Nasaan ang Pag-ibig?

•May 5, 2011 • Leave a Comment

Sa ilalim ng matinding sikat ng pulang tanglaw sa kalangitan,

Sa mainit na espaltong nilalakaran ng ka’y ruruming talampakan,

Sa pagpatak ng likido sa katawa’t pagkasunog ng mga balat,`

Sa bawat letrang iginuhit ng pula sa kapirasong kartong bitbit,

Sa libu-libong mukhang sa lansanga’y sabay sabay nagmamartsa,

 at  Sa pagtanaw at pagsalubong ng pag

pula doon sa may silangan,  

Natagpuan ko ang Pag-ibig.

at ako’y umibig.



Buhay at Panirahan

•March 25, 2011 • Leave a Comment

By: Daday

Matayog na mga gusali, larawan ng isang maunlad na lipunan, ng isang saganang bayan. Sa likod ay nagkukubli ang mga bulok na barung barong,mabahong eskenita,mga mukhang binusabos at minasaker ng estado.

Mabaho, marumi, masikip at madilim sa bawat mga eskinitang malalakaran sa lugar na pinaninirahan ng mga taong tinatawag na mga “Iskwater”. ▬Iskwater, yung mga tao na walang sariling tirahan at nagtayo lang bigla ng bahay mula sa pira pirasong kahoy sa hindi naman nila lupang pag-aari. Masakit sa mata, panira sa sana’y magandang tanawin sa kalungsuran, madudungis, mababaho at mga taong ugat ng mga krimen na nagaganap ating lipunan. ganyan kung papaano silang tukuyin ng karamihan sa atin.▬ Mula sa pinagtagpi tagping piraso ng mga kahoy, semento at yero, isang munting barung barong ang nalilikha, at ito ang nagsisilbing kanirang tirahan. Sapat nang proteksyon laban sa lamig ng gabi, sa patak ng ulan mula sa kalangitan, at sapat ng himlayan ng hapong katawan sa buong araw na pakikipagpatintero sa buhay. Sa isang maliit na tahanang kanilang maituring, isang pamilya ang naninirahan, nagsisiksikan, pilit na namamaluktot,nagkakasya sa kaunting espasyo.

Nagkalat sa iba’t ibang bahagi ng kalungsuran ang ganitong imahe, pero dahil masakit daw sila sa mata at panira sa sana’y magandang larawan ng kaunlaran, unti unti na silang tinatanggal, nililinis na parang mga basurang nagkalat sa daan.Tinataboy at basta basta nalang itinatapon sa lugar na siyang mabilis na mag lalagot sa kanilang mga hininga. Di alintana kung sino man ang masaktan, di alintana may mga buhay mang masawi, ang sa kanila’y mahalaga malinis ang sa paningin ng mga hari ay mga kalat, mga sagabal na haharang upang mga bagong gusaling magtitipon sa lahat ng yaman ng bansa’y maitayo.

Nitong mga nagdaang araw sunod sunod ang mga naging demolisyon ng mga kabahayan sa iba’t ibang bahagi ng kalungsuran, Sapilitang pinapaalis ang bawat pamilya sa tahanang kanila nang kinagisnan, at lupang inakala nilang kanila. Sa tuwing may mangyayaring demolisyon, hindi naiiwasan ang kaguluhan, ang may masaktan at sa kalunos lunos ay ang may magbuwis ng buhay. Ang mga sinasabing alagad ng batas na ang pangunahing tungkulin ay ang paglingkuran at protektahan ang mamamayan ang siyang nagiging instrumento ng mga hari upang dahasin ang mga taong tanging layunin ay ipagtanggol ang kanilang karapatan sa paninirahan at ipaglaban ang kanilang mga buhay.

Ang mga lupang pinagtitirikan ng mga maliliit na barung barong ay ang lupang siyang napusuan ng mga dayuhan para pagtayuhan ng kanilang malalaking gusali para sa kanilang mga negosyong magbibigay sa kanila ng yaman. Ang malalaking malls na siyang palagiang binibisita natin sa tuwing nais natin aliwin ng luho ang ating mga sarili ay minsang kinatatayuan ng mga maliliit na tahanan. Minsang pananirahan ng maraming pamilya, minsan ding pinagdanakan ng dugo para protektahan. Libu-libong pamilya ang itinapon sa lugar na magsisilbi na ring libingan sa kanila upang maitayo lamang ang mga gusaling pangunahing magsisilbi sa mga dayuhang kapitalista, gusaling iilang naghaharing uri lang nakikinabang, gusaling unti unting pumapatay sa sambayanan. Ang mga mismong mamamayan ng ating bansa ang siyang marahas na iinaboy, inalisan ng kabuhayan, panirahan at lupa sa sarili nilang bansa. Sila’y naging mga dayuhan sa sariling lupang kanilang pinagsilangan, naging mga kalat sa sa sariling bansa na dapat malaya nilang pinamumuhayan.

Sa bayan kung saan ang mismong mga mamamayan nito ang siyang nagiging dayuhan, inaalisan ng kabuhayan, panirahan at ng karapatan mabuhay, saan pa ang maaring tunguhin ng sambayanan?

Tuwid na daan

•February 20, 2011 • Leave a Comment

Nagbagong anyo ang papet ng puting payaso, kunwaring inaliw ang matang sa kanya’y nakatingin,binulag, upang ihulog sa hukay na maglalagot sa kanilang mga hininga.

Kay tagal na panahon nang nakalugmok at nagtitiis ng sambayanan, inalila,inabuso,ginawang dayuhan sa sariling bayan,at sa pagdaan ng labing apat na pinuno, muling pinangakuan ng inaasam asam na pagbabago. Maaari na tayong mangarap muli ang banngit ng bagong upo pa lamang na pangulo. Sa wakas ay tatahakin na ng binisabos na samabayanan ang tuwid na daan patungo sa pagbabago. Ngunit nasaan ang Pagbabago sa loob ng tuwid na daan ng mamang nasa trono?

Sa ilalim ng matinding init na nagmumula sa pulang tanglaw sa kalangitan, mga buhay na likido’y pumapatak mula sa katawan ng sambayanang paulit ulit na minamasaker, wala pa ding tigil ang malalakas na hiyaw na palagiang dumadaluyong sa tatlong bahagi ng bayan. Nasaan ang pagbabago?

Ang mga taong nagpapagal sa umaga’t hapon, nagbubungkal ng lupang sa kanila’y matagal nang ninakaw, iilang panginoon ang sa mahapong pagyuko’t pagpupunla ang nakikinabang,patuloy silang pinagsasamantalahan,Nanatiling bulag at bingi ang nasa trono sa kanilang pag daing at pag tangis. Nasaan ang pagbabago? ito ang matuwid na daan.

Mamamayan sa kalunsuran, buong panahon at lakas nila ang sa paggawa’y inilaan, ngunit ang kabayara’y di sapat, patuloy na ginugutom at sa panibagong araw walang magagawa undi muling bumalik sa lugar na humihigop sa kanilang mga lakas. Iilang naghahari ang sa kanilang pag gawa’y nagpapasasa. Nasaan ang pagbabago? ito ang matuwid na daan.

Ang mga estudyante na sana’y nasa loob ng silid aralan at lumilinang ng pagkatuto, ay nasa lansangan, sumisigaw at lumalaban, para sa edukasyong pinagkakait sa kanila, sa edukasyong ninanakaw sa kanila. Nasaan ang pagbabago? ito  ang tuwid na daan.

Sa sandaling panahon pa lamang ng pagkakaluklok, kabikabilaang paghihirap ang sa atin ay ipinaranas. Kay raming mahihirap ang inalisan ng tirahan, ginawang dayuhan sa sarili nating bayan. Mga serbisyong dapat sana’y para sa mamamayan, ginawang negosyong sa mga gahamang dayuhan naglilingkod. Nasaan ang pagbabago? Ito ang matuwid na daan.

Nasaan na ang pagbabagong kay tagal nang inaasam ng mga mamamayan? pagbabagong papawi sa matagal nang paghihirap na dinaranas ng sambayanan. Pagbabagong lalagot sa pagsasamantala ng tao sa kapwa niya tao. Pgababagong tatapos sa tanikala.

 

Iisa lang ang daan sa pagbabago. Mabundok, maputik, lubak-lubak, mabato at matarik ang tanging daan sa mithing pagbabago. Mahaba mang paglalakbay ang tatahakin, ilang bagyo man ang suungin, madilim man ang daan na lalakaran sa ilalim ng liwanag ng buwan, hinding hindi tayo titigil. Ito ang tanging daang lalagot sa tanikala, ang tanging daan sa pagtanaw sa pulang tanglaw sa silangan, ang tanging daan sa mithing pagbabago, sa mithing kalayaan.

 

 

 

Sulong

•January 14, 2011 • Leave a Comment

Tapusin na ang panahon ng pagsasawalang bahala, pagbubulag bulagan at pananahimik.

Dumating na ang araw ng ating pagsulong,Kumilos tayo’t palayain ang sarili mula sa gapos ng kahapon.

Wala ng oras para tayo’y matakot at mamaluktot,

Bawat segundong lumilipas ay mahalaga,Ang oras ay hindi natin mapipigilan, ang oras ay hindi natin hawak.

Bawat sandali’y ilaan sa pakikibaka,suungin ang landas ng pagpapalaya,humakbang pasulong sa inaasam na bukas.

Ang pagdaluyong ng mga api’y hudyat ng panibagong araw!Ang mapulang silanga’y atin ding matatanaw,at mithi nating kalayaay makakamtan.

NO TO BUDGET CUT!

•September 24, 2010 • Leave a Comment

▬ Daday

Ilang taon nang tumatangis, sumisigaw sa pagasang mapakikinggan ang mga kaluluwa sa lansangan. Umaasang nawa’y ibalik ang karapatang minsang ipinayakap sa kanila, ang karapatang pilit inagaw ng mga mapanamantalang magnanakaw.

“Unti unti nang binabawasan ng estado ang inilalaan nitong badyet para sa mga State Universities and Colleges (SUCs) upang hayaan na ang mga ito na suportahan ang sarili”, iyan ang kamakailan lang na ipinahayag ng bagong upong pangulo ng bansa. Mga katagang yuyurak sa damdamin ng bawat kabataang maralita na minsang binigyan ng pag asang makararating sa dulo ng kanilang mga panaginip. Ang dati’y maliwanag na landas na kanilang tinatanaw ay unti unti nang nagdidilim.

Ang pagbabawas ng badyet para sa edukasyon ay hudyat ng tila bahang pagtaas ng halaga ng pagaaral na lulunod sa bawat estudyanteng mahihirap. Kung sa kasalukuyang panahon na mayroon pa ding ilang mga paaralan na may mababang matrikula ay kakaunti pa din ang nakakapag aral, papano nalang kaya kapag tuluyan nang nagtaas ang matrikula sa mga pampublikong paaralan. Ang mga pampublikong paaralan ang nagsisilbing tanglaw ng bawat maralitang pamilyang Pilipino sa madilim na mundong kanilang kinasadlakan. Ngunit sa tuluyang pagaabandona ng ating estado sa sektor ng edukasyon,ang tanging natatanaw nilang liwanag na papawi sa matinding kadiliman ay tuluyan nang maglalaho. Ang pagaasa na maabot pa ang kanilang mga pinapangarap ay tuluyan ng guguho.

Isang malakas na pagtangis para sa dapat makarinig,ang EDUKASYON ay karapatang matamasa ng lahat at hindi lamang ng mga may kaya sa buhay. Hindi ito isang negosyo, hindi kalakal, hindi kompetisyon, hindi pribelehiyo. Mataas na badyet sa edukasyin ang kailangan para sa kasiguraduhan ng kinabukasan ng bawat mamamayan, at hindi ang mataas na matrikula.

Ipaglaban natin ang mataas na badyet sa EDUKASYON!

Ang edukasyon ay karapatan ng bawat mamamayan, nararapat lamang na ang lahat ay magtamasa nito!

Buhay sa Lupa

•August 31, 2010 • Leave a Comment

Ilang taon ng pagaalay ng buhay sa lupang inaakalang magdurugtong sa kanilang hininga siya palang lupang paglilibingan sa kanila ng buhay. Dugo’t pawis ang pinunla sa  sa lupang magtatawid sa kanila sa buhay, siya palang maghahatid sa kanila sa sa mabilis na pag hagod ng huling buntong hininga.

Minsan nang naging matindi ang usapin tungkol sa pagpapamahagi ng lupa sa Hacienda Luisita, sa panahon ng pamumuno ng dating pangulo na si Cory Aquino. Humantong ito sa isang trahedya, ang Mendiola Masacre kung saan labing isa katao ang nasawi at mahigit isang daan naman ang sugatan. At nagyon, matapos ang dalawamput tatlong taon,bumabalik nanaman ang usapin sa lupain, at ang kasalukuyang pangulo ay nagmulang muli sa pamilya ng mga may ari ng Hacienda Luisita.Usapin tungkol sa tinatawag na “Compromise Agreement” sa pagitan ng mga May ari ng sinasabing may ari ng HLI at ng mga magsasaka.Nilalaman ng kasunduan na Imbes na lupa ang ipamimigay sa kanila, ay “Shares of Stocks” na lamang.Sa pagpili dito ng mga magsasaka, makakatanggap sila ng libreng tulong pinansyal mula sa HLI.

Tila nga naman na napakagandang pakinggan ng sistema. Bukod sa magiging may ari sila ng HLI, bibigyan ka pa ng libreng tulong pinansyal at makakatanggap pa din sila ng sahod sa kanilang pagseserbisyo. Sa ilalim ng kasunduang ito, matinsing pananamantala ang natamo ng mga magsasaka. Sinamantala ng mga may ari ng lupain kawalan ng kaalaman ng mga magsasaka sa mga teknikal na bagay tungkol sa pagnenegosyo para sila ay malamangan at para sa sarili nilang interes. Kung ang isang magsasaka ay hindi nakapagaral,mang mang sa madaming mga bagay, Kapag pinapili siya sa pagitan ng lupa at Shares of stocks, at sinabi na kapag may ari ng shares, ibigsabihin ay isa siya sa may ari,bukod pa, makakatanggap siya ng pera bilang tuong pinansyal at bibigyan pa din siya ng sahod kapalit ng kaniyang serbisyo sa lupain. Natural lang na piliin niya ang stocks kaysa sa lupa na hindi namna sinigurado sa kanila ang kalagayan.Samahan pa ng pananakot at ilang mga panloloko sa pamamagitan ng paggamit sa mga huwad na taong magrerepresenta daw sa mga magsasaka.Ginamit nila ang sinasabing stock distribituon option (SDO) para linlangin ang mga magsasaka at mapilitan ang mga ito na huwag piliin ang lupa.Sinamantala nila ang pagkalam ng sikmura ng mga magsasaka upang muli ay mapagsamantalahan nanaman nila ang mga ito.Lupa ang nais ng mga magsasaka, ngunit panlilinlang at lubusang pananamantala ang lagi’t lagi nalang ibinibigay sa kanila ng mga panginoong may lupa at maging ng ating gobyerno upang manatili pa din sa kanilang mga kamay ang lupang matagal na nilang inangkin.

Simple lang naman ang hiling ng mga abang magsasaka na ito, ang ibigay sa kanila ang lupang matagal nang dapat nasa kanila at sila namang talaga ang nag,mamay ari, ngunit lubhang napakahirap nito gawin para sa mga sinasabing mga may ari ng lupa at maging sa mismong ating gobyerno. Sa loob ng mahabang panahon,inilaan ng mga magsasaka ang kanilang mga buhay para sa lupang itinuturing nilang kanilang mga buhay. Naglingkod ng tapat, inialay ang sarili, ilang galong pawis nila ang pumapatak sa bawat araw ng pagtatrabaho, ngunit sa kabila nito, kakarampot na halaga lamang ang kanilang natatanggap, hindi pa sasapat kahit dampian man lang ng kauinting pagkain ang lalamunan. Samantalang sa ilang oras ng pagkayod ng mga magsasaka sa isang araw, limpak limpak na pera ang kinikita ng mga may-ari ng lupa, sobra sobra pa para sa pagkain ng ilang daang tao.Sa paghiling ng mga magsasaka sa kanilang karapatang kay tagal na panahon nang tinanggal sa kanila,sa pagdaing nila sa pagsasamantalang kanilang iniinda sa loob ng mahabang taon, kamatayan ang sa kanila’y itinugon.Pilit ibinabaon sa lupa ang tinig ng mga magsasakang dumadaluyong sa tainga ng sambayanan.

Ang mga magsasaka ang bumubuhay sa lupang bumubuhay din naman sa mga mapagsamantalang umaangkin dito, ngunit sila pa din ang pangunahing naghihirap, pinagsasamantalahan at tinatapakan. Sila pa ang naghihikahos at walang makain, sila pa ang ibinabaon sa mismong lupang kanilang binubuhay.Sila ang higit na may karapatan sa lupang pilit inaangkin sa kanila, ngunit wala silang magawa sapagkat tanging ang mga naghaharing uri lamang ang pinakikinggan sa lipunang ito. Tanging ang mga nasa itaas na uri sa lipunan ang nasusunod, ang kumokontrol sa lahat, at ang mga maliliit na tao, ang mga mahihirap ay inaalisan ng karapatan sa lipunan.At kailan man hindi  pakikinggan ng ating gobyerno ang mga magsasaka, mananatiling nakatakip ang mga mata’t tenga sa kanila, at hinding hindi ibibigay sa kanila ang tunay na reporma sa lupa sapakat ang mga mapagsamantalang panginoong may lupa mismo ay nasa loob ng ating gobyerno at siya mismong nagpapatakbo dito.

Kailan ba pakikinggan ng tao ang malakas na hiyaw ng mga magsasaka. kailan titigil sa pagbibingi bingihan ang ating gobyerno. kailan titigil sa pananamantala ang mga panginoong may lupa? kailan makakamit ng mga magsasaka ang tunay na hustisya.Kailan ba mahahaplos ng kanilang mga palad ang lupang pinagalayan nila ng kanilang buhay.Kailan ba titigil ang malalakas na pagtangis na dumadaluyong sa bawat sulok ng bansa.

Bawat butil ng lupang dinampian ng mga palad ng magsasaka ay katumbas ng kanilang bawat paghinga. Sa bawat butil ng lupang kanilang binungkal,buhay nila’y naroon.

▬ Duolos


“Lupa ang simula ng lahat ng bagay,dyan din sisibol ang binhi ng bagong pagasa at buhay”

▬ Amado V. Hernandez
Suportahan natin ang pakikipaglaban ng mga magsasaka tungo sa pagkakamit ng kanilang karapatan at pagbawi ng kanilang mga buhay.

Souls and Stairs

•August 31, 2010 • Leave a Comment

Amidst the raging heat of the sun, while his naked thin, weak body has been slowly devoured by the dust and smoke puked out by the rustling vehicles in the core of the busy streets; there, he lie.

There he lies…hoping that someday, somebody would be able to hear his silent cry, his deep clamor.

There he lies…Hoping that someday a real hero would hoard him (them) from the dark reality that they are into now.

There he lies…hoping that one day a great change will occur… that that change will be able to unveil the reality behind the white gleaming mask of false righteousness, the mask that hides the deadly shadow of those who sits on the highest throne of our society.

There he lies…Hoping that he’s just inside an illusionary nightmare… that everything is just a dreadful figment of his imagination, that his whole being has not been consumed by our rotten system…

That everything is just fine. And he is blissful and contented.

▬ Emeth



this Photo was taken on one of the many foot bridges near PUP Sta. Mesa Mla.
 
%d bloggers like this: