Dapit Hapon

by: Daday

Sa gitna ng ingay at kaguluhan, sa loob ng karimlang unti unting lumalamon sa buong kapaligiran, naroon siya’t nakaupo, nakatitig sa kawalan, naghihintay… kailan ba darating?


Linggo ng tanghali, habang papauwi kami ng aking pamilya galing sa aming bahay sambahan, napadaan kami sa isang tila walang buhay na palaruan. Tahimik, walang mga batang inaasahang naglalaro dito. Sa loob ng palaruan na ito ay may isang abandonadong kapilya, marumi, maalikabok at wala ding mga taong dapat sana’y nagaawitan at sumasamba dito dahil araw ng linggo. Naisipan namin na tumigil munang sandali upang masamantala ang katahimikan at makapagpahnga. Masaya kaming nagkukuhaan ng litrato, nagpapakuha sa posisyong nais namin at di alintana kung may makakita man sapagkat wala namang tao. Sa gitna ng aming kaaliwan sa paglilitrato, kasabikan sa kalalabasan ng aming itsura sa larawan, tawanan at kasiyahan, dumating ang isang matanda. Nakasuot ng marumi at kulay berdeng baro at pulang pangibaba na kinupas na ng mga duming bumabalot dito. Dahan dahan siyang lumakad at naupo sa ilalim ng puno, dala dala ang mukang tila pinabagsak ng kahirapan at pinatanda ng panahon. Sa kawalan siya’y nakatitig, tila naghihintay… nagaabang.

Sa madusing niyang mga kamay, at balat na tila sinunog na ng araw, halatang matagal na siyang nagpapalaboy laboy sa kung saan saan. Bakas sa kanyang mukha ang matinding kahirapan, problema at ang buhay na tila pinagkaitan ng lipunan. Isa lang siya sa mga taong pinagmalupitan ng kapalaran, ninakawan ng pagkakataong mabuhay ng masaya at maayos kapiling ang pamilya, at tila inalisan ng karapatang masilayan ang liwanag.

Malamang sa paglaboy laboy nya sa bawat lansangan, wala siyang ibang kasama at karamay kundi ang anino niyang likha ng sikat ng araw. Sa kanyang katandaan, dapat sana’y kasama niya ang kanyang pamilya upang magalaga sa kanya at samahan siya kung san man niya nais magpunta,hilutin ang kanyang mga paa sa oras na sumakit ang mga ito, alagaan siya sa oras na magkaroon siya ng karamdaman at dapat sana’y kasama niya ang kanyang mga apo na siyang tanging makapagbibigay sa kanya ng kaaliwan at kaligayahan. Sa pagsapit ng dilim, unti unti namang  maglalaho ang aninong tanging kasakasama niya, ang tanging nakikita niyang laging nasa kanyang tabi, lumalakad kasama niya, kahit gano kalayo,kahit saan man. Tuluyan itong lalamunin ng kadiliman, at muli sa paglingon nya sa kanyang tabi, kadiliman ang makikita’t babalot sa kanyang pangin.

Sadyang walang puso ang lipunang ito para sa mga kagaya niya,sa halip na tulungan at bigyan ng masisilungan ay tinataboy pa’t pinagsasarahan ng pintuan.Sa lugar na  ito na ang mga kagaya niyang maliit ay  lalong nilulubog sa lupa at ang mga naghaharing uri ay lalo pang tumatayog, tila ang tunay na pagasa’y malabo ng masilayan pa. Ngunit sa kabila niyan, sa kabila ng kadilimang unti unting lumalamon sa kanya, siya ay payapang naglakad sa aming harapan, umupo sa ilalim ng punong magkukubli sa kanya sa sikat ng araw, tumitig sa kawalan at umaasang sa dulo nito, masisilayan ang liwanag kahit habang buhay siyang maghintay…

Nakapagpahinga na kami at tapos ng aliwin ang sarili sa pagkukuha ng mga litrato,  unti unti ng nawawala ang araw,kaya’t nagdesisyon na kaming umuwi sa aming tahanan. Iniwan namin ang tahimik na palaruan at abandonadong kapilya, kasama ang matandang payapang nakaupo sa ilalim ng upuan, nakatitig sa kawalan, bakas sa muka ang matinding pagasa, pagkasabik na sanay dumating na ang matagal na niyang hinihintay..

Sa tuluyang paglamon ng kanluran sa araw, ang tahimik na palaruan,ang abandonadong kapilya at ang matanda na na nakatitig sa kawalan ay babalutin ng kadiliman at mas lalo pang matinding katahimikan.

Advertisements

~ by angmalaya on March 31, 2010.

One Response to “Dapit Hapon”

  1. mahusay

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: